Eroplanong Papel
December Avenue
Bawat isa sa atin ay may mga damdaming hindi magawang ipahayag. Mga damdaming mas pinipili nating kimkimin kaysa sa isatinig dahil sa takot na mag-iba ang mga bagay na gusto nating panatilihin. Kahit ilang subok nating ipakita ang mga damdaming ito, napapangunahan tayo ng mga pangambang ibinubulong ng ating kaisipan. Ang kantang “Eroplanong Papel” ng isa sa mga kasalukuyang nangungunang banda sa Pilipinas, ang December Avenue, ay isang awiting sumasalamin sa mga sitwasyong tulad nito. Sa kantang ito, ikinikwento ang matinding kagustuhan ng isang tao na iparating ang kanyang nararamdaman ngunit di niya magawang sabihin kaya idinaan niya na lamang ito sa isang panalangin. Napakatindi ng kanyang pagmamahal, sa puntong kailangan niyang isigaw ito at kung hindi ay hindi matatahimik ang kanyang puso, pero ‘di niya kayang magawa. Sa dasal niya nalang isinisigaw ang bugso ng kanyang damdamin, at umaasang marinig ng kanyang minamahal ang sigaw ng panalangin niyang ito.
Sa kantang ito, hinahalintulad ang pagsatinig ng pag-ibig sa pagpapalipad ng isang eroplanong papel. Kapag nagpalipad ka ng eroplanong papel, ‘di mo tiyak kung saan ito lalapag. Walang kasiguraduhan kung saan ito aabot. Kapag umamin ka sa iyong mga nararamdaman, ‘di ka sigurado kung ano patutunguhan nito at ang mga pwedeng mangyayari. Maaaring may mga bagay na magbago, na pwede mong pagsisihan. Marahil sa kantang ito, ang tao at ang kanyang minamahal ay nasa mabuting sitwasyon, at ayaw niya itong magbago sa pamamagitan ng pag-amin ng kanyang nararamdaman.
Pinapahiwatig ng mga liriko ng kantang ito na ang ‘di-kasiguraduhan ng pag-ibig ang nagkukusa sa isang tao na mangambang umamin. Tayo, bilang tao, gusto natin ng tiyak. Gusto nating umapak sa konkretong semento ngunit ang pagmamahal ng labis ay inililipad tayo pataas. Duwag tayo sa walang katitiyakan. Wala tayong magawa kung hindi ay ang matakot para sa ating mga sarili kaya mas pinipili nating itago ang kumakawalang pagdaramdam sa ating mga puso. Ngunit, sa huling linya ng awitin na ito, takot at nangangamba man, umaasa parin ang taong makarating ang kanyang nararamdaman sa kanyang napupusuan kahit na walang direktang pagpapahayag, at sa dasal niya lamang isinigaw ang kanyang pagmamahal. Umaasa siyang malakas ang kanyang sigaw, sapat upang marinig ng minamahal. Kumbaga nagpaparamdam na lamang ito at umaasang malaman ng napupusuan ang pagmamahal nito nang walang diretsahang sabi-sabi.
Para sa akin, kabalighuan ito dahil takot siya sa walang-katiyakan ngunit siya rin mismo ay hindi tiyak sa pagpapakita niya ng damdamin. Hindi mo maaasahang malaman ng isang tao ang bagay na di mo tiniyak sa kanya. Mananatili nalang kayong nangangambang dalawa sa nararamdaman ng isa’t isa. Oo, tama ang kasabihang “actions speak louder than words”, ngunit ang kilos, kapag walang kasamang salita, ay nakakalito.
Ni isang beses, hindi nabanggit ang “eroplanong papel” sa liriko nito kahit na ito mismo ang pamagat ng kanta, ngunit masasabi nating ikinukumpara ng mang-aawit ang kanyang sitwasyon sa eroplanong papel. Maihahalintulad ko ang indirektang pamamaraan na ito sa taong takot magpahayag ngunit nagmamahal parin. Hindi niya man direktang naipahayag ang kanyang nararamdaman, nagawa niya namang isigaw ito sa kanyang dalangin. Hindi niya man nasabi nang diretsahan, napadama niya naman. Ramdam sa kanta ang matinding pagmamahal ng taong nagmamahal; hindi niya man kayang bitiwan ang eroplanong papel tungo sa walang-kasiguraduhan na hantungan.


