Featured

Pagsusuri sa Kantang “Eroplanong Papel”

Eroplanong Papel

December Avenue

“Eroplanong Papel” ng December Avenue

Bawat isa sa atin ay may mga damdaming hindi magawang ipahayag. Mga damdaming mas pinipili nating kimkimin kaysa sa isatinig dahil sa takot na mag-iba ang mga bagay na gusto nating panatilihin. Kahit ilang subok nating ipakita ang mga damdaming ito, napapangunahan tayo ng mga pangambang ibinubulong ng ating kaisipan. Ang kantang “Eroplanong Papel” ng isa sa mga kasalukuyang nangungunang banda sa Pilipinas, ang December Avenue, ay isang awiting sumasalamin sa mga sitwasyong tulad nito. Sa kantang ito, ikinikwento ang matinding kagustuhan ng isang tao na iparating ang kanyang nararamdaman ngunit di niya magawang sabihin kaya idinaan niya na lamang ito sa isang panalangin. Napakatindi ng kanyang pagmamahal, sa puntong kailangan niyang isigaw ito at kung hindi ay hindi matatahimik ang kanyang puso, pero ‘di niya kayang magawa. Sa dasal niya nalang isinisigaw ang bugso ng kanyang damdamin, at umaasang marinig ng kanyang minamahal ang sigaw ng panalangin niyang ito.

Sa kantang ito, hinahalintulad ang pagsatinig ng pag-ibig sa pagpapalipad ng isang eroplanong papel. Kapag nagpalipad ka ng eroplanong papel, ‘di mo tiyak kung saan ito lalapag. Walang kasiguraduhan kung saan ito aabot. Kapag umamin ka sa iyong mga nararamdaman, ‘di ka sigurado kung ano patutunguhan nito at ang mga pwedeng mangyayari. Maaaring may mga bagay na magbago, na pwede mong pagsisihan. Marahil sa kantang ito, ang tao at ang kanyang minamahal ay nasa mabuting sitwasyon, at ayaw niya itong magbago sa pamamagitan ng pag-amin ng kanyang nararamdaman.

Pinapahiwatig ng mga liriko ng kantang ito na ang ‘di-kasiguraduhan ng pag-ibig ang nagkukusa sa isang tao na mangambang umamin. Tayo, bilang tao, gusto natin ng tiyak. Gusto nating umapak sa konkretong semento ngunit ang pagmamahal ng labis ay inililipad tayo pataas. Duwag tayo sa walang katitiyakan. Wala tayong magawa kung hindi ay ang matakot para sa ating mga sarili kaya mas pinipili nating itago ang kumakawalang pagdaramdam sa ating mga puso. Ngunit, sa huling linya ng awitin na ito, takot at nangangamba man, umaasa parin ang taong makarating ang kanyang nararamdaman sa kanyang napupusuan kahit na walang direktang pagpapahayag, at sa dasal niya lamang isinigaw ang kanyang pagmamahal. Umaasa siyang malakas ang kanyang sigaw, sapat upang marinig ng minamahal. Kumbaga nagpaparamdam na lamang ito at umaasang malaman ng napupusuan ang pagmamahal nito nang walang diretsahang sabi-sabi.

Para sa akin, kabalighuan ito dahil takot siya sa walang-katiyakan ngunit siya rin mismo ay hindi tiyak sa pagpapakita niya ng damdamin. Hindi mo maaasahang malaman ng isang tao ang bagay na di mo tiniyak sa kanya. Mananatili nalang kayong nangangambang dalawa sa nararamdaman ng isa’t isa. Oo, tama ang kasabihang “actions speak louder than words”, ngunit ang kilos, kapag walang kasamang salita, ay nakakalito.

Ni isang beses, hindi nabanggit ang “eroplanong papel” sa liriko nito kahit na ito mismo ang pamagat ng kanta, ngunit masasabi nating ikinukumpara ng mang-aawit ang kanyang sitwasyon sa eroplanong papel. Maihahalintulad ko ang indirektang pamamaraan na ito sa taong takot magpahayag ngunit nagmamahal parin. Hindi niya man direktang naipahayag ang kanyang nararamdaman, nagawa niya namang isigaw ito sa kanyang dalangin. Hindi niya man nasabi nang diretsahan, napadama niya naman. Ramdam sa kanta ang matinding pagmamahal ng taong nagmamahal; hindi niya man kayang bitiwan ang eroplanong papel tungo sa walang-kasiguraduhan na hantungan.

Pagsusuri sa Maikling Kwentong “Ang Sapatero at Ang Mga Duwende”

Ang Sapatero at Ang Mga Duwende

nina Jacob Grimm at Wilhelm Grim mula sa Grimm Brother’s Tale

Buod ng Kwento:

Ang maikling kwentong ito ay tungkol sa isang mahirap ngunit masipag na sapatero at ang kanyang asawa. Lubos ang kanilang kahirapan, sa puntong para isang pares lamang ng sapatos ang materyales na mayroon sila. Hinanda ng sapatero ang mga materyales na iyon, isang gabi bago niya planong gawin ang pares ng sapatos, ngunit laking gulat niya, at ng kanyang asawa, nang makita ang isang yari at magandang pares nito sa lamesa kinaumagahan. Ibinenta nila ang sapatos na iyon at ginamit ang kita para makabili ng materyales ng sapatos na sapat para sa dalawang pares. Ihinanda ulit nila ang mga nabiling materyales isang gabi at nakakita ulit sila ng dalawang pares ng gawang sapatos. Inulit nila ang pagbili at paghanda sa mga materyales ng pang-apatang pares ng sapatos sa lamesa at nakakita ulit sila ng handang mga pares sa mesang pinaglagyan nila. Laking tuwa at pasasalamat nila sa kung sino man ang tumutulong sa kanilang gumawa ng mga sapatos na iyon kaya naman ay inabangan nila ang mga ito, isang gabi, habang nagtatago sa kurtina dahil naisipan nilang ayaw ng mga tumutulong na magpakita sa kanila. Pagpatak ng hating-gabi, pumasok ang dalawang masisiyahin at nagsasayawang duwende, at nakumpirma ng mag-asawa na sila nga ang tumutulong sa kanila. Tinahian ng asawa ng sapatero ang mga duwendeng iyon ng dalawang pares ng baro at pantalon at nilagay nila ito sa lamesang kanilang pinaglalagyan ng mga materyales ng sapatos. Kagabihan ay nagtago silang muli sa kurtina at nakita nila ang tuwa ng mga duwende nang makita ang mga damit na iyon na nalaman nilang para sa kanila. Hindi na muling bumalik ang mga matutulunging duwendeng iyon ngunit patuloy pa rin ang swerte sa buhay ng mag-asawang marunong gumanti ng utang na loob.

Ang maikiling kwentong “Ang Sapatero at Ang Mga Duwende” ay orihinal na isinulat ng Hermanong magkapatid na sina Jacob at Wilhelm Grimm sa pamagat na “The Shoemaker and The Elves” noong taong 1806. Kung titignan ang pamagat nito, maisasaugnay natin ang mga sapatos sa mga duwende dahil inilalarawan natin sa ating mga utak ang mga piksiyunal na kalikhaang mga ito bilang maliliit at may natatanging matutulis na mga sapatos. Sa istoryang ito, ipinapakita ang konsepto ng mabuting karma sa ating buhay. Makikitang ang dalawang panig, ang mga duwende at ang mag-asawa, ay nagtataglay ng mabubuting asal. Isa-isahin natin ito. Ang mga duwende ay matulungin. Ang kanilang pagtulong sa mahirap na mag-asawang ito sa paggawa ng sapatos ay isang proweba. Wala naman silang hinihinging kapalit, sa katunayan ay ayaw nilang magpakilala, ngunit tumulong parin sila sa mga naghihirap. Ang mag-asawa naman ay masasabi nating may utang ng loob. Nagsumikap silang malaman kung sino ang tumutulong sa kanila para magantihan nila ng kabutihan ang mga iyon. Ang konsepto ng “utang na loob” ay nakikita parin sa mga Pilipinong komunidad. Sa aking pagkakaintindi, ito ay ang isang pangkulturang asal kung saan, kapag may tumulong sa iyo, dapat mong ibalik ang kabutihang iyon. Matatandaang ginawan nila ang mga duwende ng dalawang pares ng pantalon at baro na siyang nagpasaya sa mga ito.

Idinidiin ng kuwentong ito ang pagpapahalaga sa asal ng pagtutulungan, pasasalamat, at utang na loob. Ngunit kung ilalagay ito sa panlipunang konteksto, sa kalagayan o estado ng mga tao, mas nakikita natin ang ibang pahiwatig ng kwento. Matatandaang sobrang hirap ng mag-asawa at nagawa nilang swertehin nang tulungan sila ng mga duwende. Parang ipinapahiwatig nito na ang mga mahihirap sa sosayedad ay makakaahon lamang sa buhay sa tulong ng isang ‘di makatotohanang nilalang. Parang sinasabi nito na halos imposible na lang ang pag-ahon ng isang sobrang hirap na pamilya, pwera nalang kung may himalang mangyari. O ‘di kaya ay parang ipinapahiwatig nito na ang mga mahihirap ay kayang umahon sa buhay kung may mga tulong silang makukuha mula sa mga may-kaya.

Ang hindi ko nagustuhan sa kwento ay pinapakita rin nito ang pagsalalay lamang ng sapatero at ang kanyang asawa sa mga duwende para gumawa ng mga sapatos. Oo at nagawa nilang ibalik ng kabutihang iyon ngunit hindi ko maatim na sapatero nga ang ginoo ngunit sa kwento ay ‘di niya nagawang ipakita iyon dahil ang mga duwende na ang gumawa nito. Parang sinasabi rito na umasa tayong lahat sa pagdating ng sarili nating duwende para umahon sa buhay. Hindi iyon isang mabuting asal dahil halos katamaran ang ipinapakita nitong kaugalian.

Sa pagsalaysay ng kwento, wala namang bago dito. Nagsimula ang storya sa pinaka unang bahagi ng kwento, gitna, at wakas. Inaasahan kong may mangyayaring pang-aabuso sa kabutihan ng mga duwende dahil karaniwan itong nangyayari sa katotohanan ngunit wala, at mas binigyan ng diin ang pasasalamat at utang na loob. Mabuti itong babasahin dahil nagpapakita ng mabuting asal kaya marerekomenda ko ito lalong-lalo na sa mga batang musmos upang lumaki silang may diwa ng pakikipagtulungan at may pasasalamat. Binibigyan ko ang klasik na maikling kwento na ito ng 8/10.

Pagsusuri sa Pelikulang “The Hows of Us”

The Hows Of Us

ni Direk Cathy Garcia – Molina

The Hows of Us Official Trailer

Ang “The Hows of Us” ay ang pangatlong pelikula ng batikang deriktor na si Cathy Garcia-Molina kasama sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo, o mas kilala sa tambalang “KathNiel“. Kung titingnan ang reputasyon at kredibilidad ng mga taong bumubuo sa pelikulang ito, mula sa deriktor, manunulat, hanggang sa mga cast ng karakter, masasabing kaabang-abang at magtatagumpay ang palabas na ito. At hindi ako nagkamali, dahil ang “The Hows of Us” ay nakagawa ng kasaysayan sa larangan ng takilyang Pilipino at itinanghal na kauna-unahang pelikulang lokal na umabot ng Php 600 milyong kita sa loob lamang ng dalawampung araw. Dala ang mga rekord na ito sa aking isipan, pinanood ko ang pelikula sa malapit na sinehan. Isa rin ako sa mga tagatangkilik ng mga ipinapalabas ng tambalang Daniel Padilla at Kathryn Bernardo sa takilya kaya sabik kong inabangan at naglaan ng pera’t oras para panoorin ito.

Balangkas ng Pelikula:

Sa balangkas ng istorya, sina George (Kathryn Bernardo) at Primo (Daniel Padilla) ay magkamag-aral na nagkaibigan. Si George ay isang estudyante ng medisina habang si Primo ay isang musikero na nangangarap na sumikat ang kanyang bandang tumutugtog ng OPM lamang. Masaya silang nanirahan sa bahay na ipinamana sa kanila ng lola ni George (Susan Africa), kung saan sabay silang nangarap ng maginhawang buhay at nangako na susuportahan at mamahalin nila ang isa’t-isa kahit ano man ang mangyari. Ngunit, kabaligtaran ang nangyari. Ang banda ni Primo ay hindi nagtagumpay, na siyang nagdulot sa kanyang mawalan ng pag-asa. Siya ay naging arogante at mahirap pakisamahan, sa puntong pati mga kaibigan at kabanda niya ay naitulak niya palayo. Nag-iba man si Primo, si George ay patuloy parin siyang minahal at sinuportahan kahit na nahihirapan na rin siya. Gayunpaman, umabot rin siya sa puntong punong-puno na siya dahil sa pagod at paghihirap na itayo ang kanyang sarili kasama ang kanyang kasintahan kaya’t pinaalis niya si Primo sa bahay na iyon. Agaran niyang pinagsisihan iyon ngunit mas mabilis ang walang pagdadalawang-isip na pag-alis ni Primo. Dalawang taon ang nagdaan, habang unti-unting nakakayanan ni George na tumayo mag-isa pagkatapos ng pagdadalamhati ng kanyang nasaktang puso, bumalik ang nagbagong si Primo. Umiikot ang kwento sa kung tatanggapin pa ba ni George si Primo pagkalipas ng mga taong iyon.

Ang pelikulang ito ay, masasabi kong, umaabot sa damdamin ng mga manonood. Nakaramdam ako ng pinaghalong kilig, pagkamuhi, kasabikan, saya, panghihinayang, at higit sa lahat ay sakit habang pinapanood ito. Malaki ang pasasalamat ko na nagdala ako ng panyo habang nanonood mag-isa dahil nakakaantig-puso talaga ito. Hindi ito tipikal na pelikulang romantik kung saan pinapakita lamang kung paano nagkakilala at nagkatuluyan ang magka-ibigan. Pinapakita dito ang realidad ng isang relasyon. May mga panahong masaya at may mga panahong nahaharap sa pagsubok, nasa magka-ibigan na iyon kung paano nila ito haharapin: magkasama o mag-isa? Hindi man ako ni minsang nagkaroon ng karelasyon, masasabi ko paring napaka makatotohanan ito sa mga napapanahong pag-ibig. Napabilib nanaman ako ng KathNiel sa husay nilang gumanap sa kanilang mga karakter. Nagawa nilang ipaabot sa akin ang mga damdamin na gusto nilang ipahiwatig. Kahit na ni minsan ay di ako nakadama ng ganoong klaseng pagkasawi sa pag-ibig, parang naipadama na nila iyon sa akin sa husay ng kanilang pagganap. Ilang oras palang ako sa panonood ay nasabi ko nang ito na ang pinakamahusay na palabas ng KathNiel.

Bukod sa magaling na pag arte, ang mga linyang binitiwan sa pelikula ay isa sa mga dahilan kung bakit basang-basa ang panyo aking panyo at mugto ang mga mata ko pagkalabas sa sinehan. Binibigyan ko ng kudos ang mga manunulat dahil sa malikhaing paggawa ng mga linyang tumatatak sa puso at isipan ng mga manonood. Ilan lamang sa mga paborito kong linya ang mga sumusunod:

Nagustuhan ko rin ang mga kuha ng mga eksena, ang lighting, at ang mga OST ng pelikula. Noong narinig ko ang kantang “Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko” sa rendisyon ni Moira sa panghuling parte ng “The Hows of Us” ay mas lalong bumuhos ang luha at sipon ko. Ang awiting “Hanggang Kailan” ng Orange and Lemons na ikinanta ni Daniel Padilla sa isang eksena ay muling pumatok nang ipinalabas sa pelikula. Naipakita rin dito ang magagandang tanawin sa Amsterdam tulad Rijkmuseum, Royal Palace, na nagsisilbing pahiwatig na hindi basta-basta ang produksyon ng patok na palabas na ito. Para talagang pinag-isipan ng masinsinan at napakahusay ng lahat, pati na ang pamagat nito.

Sa sarili kong pananaw, isinisimbolo ng kanilang bahay ang kanilang estado o kalagayan. May mga bagay na gusto nilang punuin sa bahay na iyon tulad ng malaking 65 inches na TV at sofa, ngunit kalaunan ay hindi nila nagawa. Parang sa relasyon nilang dalawa, may mga bagay na gusto nilang mangyari, mga bagay na pinangarap nilang makamit ngunit hindi nangyari dahil sa sakim na katotohanan ng buhay. Pinaka nagustuhan ko sa pelikula ang kakayanan nitong ipakita ang hindi makasariling pag-ibig. Pinapakita dito kung paano magmahal ang pagod na puso. Ang mga pangako, panghihinayang, at paghihirap. Kung paano kayang buhusin ng isang tao ang kanyang sarili para sa pagmamahal. Kung paano ito patuloy na tumatayo, subukan man ng mga realidad ng buhay. Ilang linggo kong kinabaliwan ang pelikulang ito kaya’t binibigyan ko ito ng 10/10 na markahan.

Design a site like this with WordPress.com
Get started